MANILA, Philippines- Sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na pwersa mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Sub-Station 6 ng Makati City police ay nadakip ang tatlong tulak na nakuhanan ng ₱1.4 milyong halaga ng droga nitong hatinggabi ng Biyernes, Enero 17.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel Abrugena ang tatlong arestadong suspek na sina alyas Lulu, 37, negosyante sa crypto currency; alyas Pinky, 46, call center agent; alyas Jake, 36, habang nakatakas naman sa naturang operasyon ang isa pang suspek na hindi napangalanan.
Sinabi ni Abrugena na base sa report na isinumite sa kanya ng Makati City police, naganap ang pagdakip sa tatlong suspek bandang alas-12 ng hatinggabi sa Brgy. Bel-Air, Makati City.
Nakumpiska sa isinagawang operasyon ng SDEU at Sub-Station 6 ang 101 piraso ng kulay puti/itim/ dilaw na plastic sachets na may nakatatak na POP! CARTS at disposable vape cartridge na may laman na marijuana o cannabis oil na nagkakahalaga ng ₱1,393,000.
Bukod pa sa marijuana ay nakuhanan pa rin ng isang pirasong disposable vape na naglalaman ng marijuana/cannabis oil (₱7,500); isang pirasong itim na plastic case na naglalaman ng disposable vape na may marijuana/cannabis oil (₱7,500); .05 gramo ng hinihinalang shabu (₱3,400); isang tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga naman ng ₱4,250; dalawang Samsung cellular phones at ang ₱500 na kasama ng 239 piraso ng tig-₱500 boodle money na ginamit a operasyon.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na nakatakas sa operasyon habang nasa kustodiya naman ng Makati City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan