MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na muli itong naglabas ng radio challenge laban sa “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) habang ilegal itong nagpapatrolya sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na hinamon ng BRP Gabriela Silang ang CCG 5901 ang tinaguriang monster ship ng Tsina.
Gayunman, sa kabila ng maraming radio challenge ng PCG, “the Chinese vessel has continued its illegal operations,” anito.
Binigyang-diin ng PCG na ang awtoridad ng Pilipinas sa mga katubigang ito ay alinsunod sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa 2016 Arbitral Award.
“The Philippine Coast Guard remains committed to safeguarding the nation’s maritime rights and protecting its national interests,” sabi ng PCG.
Ang monster ship ng Tsina ay unang namataan sa layong 54 nautical miles mula sa Capones Island, Zambales.
Lumipat ito malapit sa Lubang Island sa Occidental Mindoro at muling inilagay at nakaposisyon sa layong 97 nautical miles sa baybayin ng Zambales.
Nanawagan ang Pilipinas noong Martes sa China na bawiin ang CCG vessel na 5901 mula sa karagatan ng Pilipinas.
Samantala, ilang barkong pandigma ng Hukbong-dagat ng Pilipinas ang nagsagawa ng pagsasanay noong Biyernes sa panahon ng sovereignty patrol sa West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng patuloy na presensya ng monster ship ng China sa baybayin ng Zambales. Jocelyn Tabangcura-Domenden