MANILA, Philippines- Magbibigay ng libreng bakuna ang Department of Health (DOH) para labanan ang pagkalat ng Human Papillomavirus (HPV) at maiwasan ang pagdami ng kaso ng cervical cancer.
Ayon sa ulat, ang cervical cancer ang ikatlong nangungunang cancer sa mga kababaihan sa Pilipinas.
Sa datos mula sa International Agency for Research on Cancer ng World Health Organization, sinabi na mayroong 8,549 babaeng Pilipino ang apektado ng cervical cancer, kalahati nito ay namatay noong 2022.
Nagpakita rin sa mga karagdagang pag-aaral na 95% ng mga kaso ng cervical cancer ay nagmula sa HPV, na isang impeksyon na nakukuha sa skin-to-skin contact o intercourse.
Upang mabawasan ang mga banta na dulot ng virus, inirerekomenda ng DOH ang mga bakuna sa HPV na ibigay sa mga batang babae na siyam na taong gulang.
Plano ng DOH na ilunsad ang vaccine roll out sa pakikipagtulungan ng Department of Education simula sa ikalawang quarter ng 2025.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, pinondohan na ng gobyerno para sa 2025 upang mabakunahan ang lahat ng babaeng Pilipino upang mawala ang epekto ng cervical cancer.
Aniya, ang HPV vaccination ay nagkakahalaga ng P4,000 per dose. Ito ay dalawang beses na ibinabakuna sa edad 9 na taong gulang.
Noong Enero 6, mahigit kalahating milyong mga mag-aaral sa Baitang 4 ang nabigyan na ng unang dosis ng bakuna sa HPV sa pamamagitan ng programang pagbabakuna na nakabase sa paaralan.
Target ng DOH na mabakunahan ang mahigit isang milyong Grade 4 students sa mga pampublikong paaralan, at mas maraming estudyante mula sa mga pribadong paaralan.
Ang bakuna ay libre para sa parehong mga dosis, na dapat ay may anim na buwang agwat.
Samantala, tinitignan na rin ba mabigyan ng HPV immunization ang mga kalalakihan.
“Kung di siya madadapuan ng HPV sa kanyang future na magiging mapapangasawa o makakasama na kababaihan, hindi na niya maipapasa ang virus na ito at hindi na magkakaroon ng cervical cancer,” ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo. Jocelyn Tabangcura-Domenden