MANILA, Philippines- Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy sa Enero 22 ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota na gagamitin sa May 12 midterm polls.
Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na kailangan nilang mag-apply ng kinakailangang pagbabago sa election management system (EMS), automated counting machines, at consolidation at canvassing system bago nila simulan ang pag-imprenta.
Ayon kay Laudiangco, mayroong malawak na pagbabago at amendments na kailangang gawin sa EMS.
Magsasagawa rin ang Comelec ng bagong trusted build process kasama ang kanilang international certification entity, Pro V&V, at bubuo ng bagong mga template at serialization ng face ballot .
Kailangan aniyang kumpletuhin ang lahat ng mga prosesong ito bago maabot ang pag-imprenta ng balota.
Nitong Martes, sinuspinde ng Comelec ang pag-imprenta ng balota dahil sa desisyon ng Korte Suprema kung saan naglabas ng limang temporary restraining order sa pagdedeklara ng komisyon na nuisance o pagdiskwalipika sa ilang political aspirants.
Dahil dito, kinailangang sirain ng Comelec ang anim na milyong balota na kanila nang naiprenta.
Nitong Biyernes, sinabi ng Comelec na sinimulan na ang paglipat ng mga balota sa warehouse sa Sta. Rosa City, Laguna para sa tamang disposal. Jocelyn Tabangcura-Domenden