Home METRO 4 tiklo sa P11M droga sa Mandaluyong, Taguig

4 tiklo sa P11M droga sa Mandaluyong, Taguig

MANILA, Philippines- Nadakip ng mga pulis ang apat na suspek, kabilang ang dalawang high-value individuals (HVI), at nasabat ang mahigit P11 milyong halaga ng ilegal na droga  sa hiwalay na operasyon sa mga lungsod ng Mandaluyong at Taguig.

Sa ulat, sinabi ni Southern Police District director Brig. Gen. Bernard Yang na ang mga suspek, kinilalang sina alyas Alvin, 27, at alyas Miracle, 15, babae, ay kapwa naaresto sa isang buy-bust operation nitong Martes ng madaling araw sa isang parking lot ng mall sa Taguig City.

Ang mga suspek na kapwa tinukoy na HVIs ay nakuhanan ng 600 gramo ng shabu na may estimated street value na P4.08 milyon, buy-bust money, caliber 9mm na may magazine at live ammunition mula kay alyas Alvin, at mobile phone.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, sa ilalim ng Article II ng Republic Act (RA) 9165 at RA 10591 (illegal possession of firearms).

Samantala, sinabi ni Eastern Police District officer in charge Col. Villamor Tuliao na naaresto ang mga suspek na sina John Fitz Salazar at Alison Mae Reyes sa isang buy-bust bandang alas-9:30 ng gabi nitong Lunes sa kahabaan ng San Rafael St., Barangay Plainview, Mandaluyong City.

Narekober mula sa mga suspek ang 5 kg. ng hinihinalang high grade marijuana na may estimated street value na P7.5 milyon.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang iba pang suspek, ani Tuliao.

Kasalukuyang nakaditene ang mga suspek sa Mandaluyong Police Custodial Facility at mahaharap sa drug charges. RNT/SA