MANILA, Philippines- Wala pang 30 indibidwal ang nagmamay-ari ng parehong modelo ng sasakyan na ilegal na dumaan sa EDSA busway na may pekeng ‘7’ protocol plate na nakatalaga para sa mga senador, ayon sa Land Transportation Office (LTO) nitong Martes.
“Initial info po natin, wala pa nga pong 30. But we’re still looking baka meron tayong hindi nai-type, na ma-search so we’re still looking po kung ‘yun na po talaga ‘yung numero,” pahayag ni LTO executive director Atty. Greg Pua Jr. sa isang panayam.
Subalit, binanggit ni Pua na ang bilang ay registered owners lamang ng sangkot na car model na Cadillac Escalade.
Aniya, hindi masusuri ng LTO ang unregistered owners.
Bukod sa car model, sinisilip din ng LTO ang posibileng conduction sticker na nakitang nakadikit sa windshield ng nasabing sasakyan upang matukoy ang may-ari nito.
“Doon sa video parang meron po tayong nakita, although blurred, na orange na nasa windshield po noong driver side,” ani Pua.
“We’re coordinating with other agencies. Baka may video po sila, ma-enhance, may video po sila na mas malinaw, makita po natin agad ang conduction sticker,” dagdag niya.
Nanawagan si Pua sa mga may impormasyon sa may-ari ng sasakyan na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Nitong Linggo ng gabi, isang sasakyang may “7” protocol plate ang nahuling dumaraan sa EDSA busway.
Subalit, sinabi ng LTO na “there was no protocol plate issued to the particular SUV” na sangkot sa insidente, ayon kay Senate President Chiz Escudero.
Base sa polisiya ng Department of Transportation, ang mga sumusunod lamang ang maaaring dumaan sa busway:
LTFRB-authorized buses para sa EDSA busway route, kabilang ang mga bus na may special permits at/o prangkisang pumasada sa EDSA busway route;
on-duty ambulances, fire trucks, at Philippine National Police vehicles;
service vehicles na nagsasagawa ng tungkulin para sa EDSA Busway Project;
Pangulo ng Pilipinas;
Bise Presidente ng Pilipinas;
Senate President;
Speaker ng House of Representatives; at
Chief Justice ng Supreme Court.