MANILA, Philippines- Matinding pinalagan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang planong pagbibigay ng certified true copy sa International Criminal Court (ICC) ng testimonya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ginanap na drug war probe kamakailan.
Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nanguna sa paglulunsad ng drug war ni Duterte, na maaaaring gamitin ang official transcript laban kay Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, hindi nito tinutulan ang plano kahit isa siya sa akusado sa ICC kundi kapag ibinigay ng Senado ang transcript, mistulang kinikilala ng Senado ang hrisdiksyon ng Korte sa Pilipinas.
Taliwas umano ito sa foreign policy ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na parating ibinabandila na hindi nito kinikilala ang ICC.
“Sa akin mukhang may problema kasi ‘yun nga, giving in to their request is tantamount to recognizing their jurisdiction over us and our government is very consistent in declaring that ICC has no jurisdiciton over us,” ayon kay Dela Rosa sa press conference.
“Sana ‘yung legislative branch also will also follow the same line. That’s my point only ha. Hindi por que ako’y isa sa akusado sa ICC ay gano’n ang aking stand… We should take the cue from the president. Since sinabi ng president, being the chief architect of the foreign policy, eh sundin natin ‘yung linya ng pangulo,” giit pa niya.
Para kay Dela Rosa, dapat tukuyin muna ng liderato ng Senado, particular si Senate President Francis “Chiz” Escudero kung anong dahilan ang paghingi ng kopya ng official transcripts.
“Pag sinabing para sa ICC, dapat sabihin sana niya na, ‘No, giving this copy to ICC is tantamount to recognizing their jurisdiction over us,'” wika niya.
“Wala akong worry. Ang akin lang is dapat synchronized tayong lahat… Magkaisa tayong lahat. Hindi ‘yung iba ‘yung sinasabi ng Malacañang, iba ‘yung sinasabi ng Senado. Di ba? Dapat magka-isa tayo. Ang habol ko lang naman dito is hindi tayo magmukhang tanga as a nation,” dagdag niya.
Nitong Lunes, inihayag ni Escudero na hindi mag-aatubili ang Senado na magbigay ng official transcript sa ginanap na pagdinig ng Blue Ribbon subcommittee investigation sa drug war sa panahon ng Duterte administration kapag may “valid reason.”
Noong nakaraang lingo, inihayag ni dating Senador Antonio Trillanues na may kopya nang naipadala ng transcript ng Senate drug war probe sa ICC.
Inamin ni Duterte sa pagdinig na mayroon siyang death squad at inutusan nito ang pulisya sa pangunguna ni Dela Rosa na pumatay ng criminal. Ernie Reyes