MANILA, Philippines – Inaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang apat na indibidwal na sangkot sa isang cryptocurrency scam sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang rehiyon.
Nadakip ang 78-anyos na babae sa Angeles City, Pampanga, habang kabilang sa mga naaresto ang 18-anyos na babae sa Pitogo, Quezon, 44-anyos na lalaki sa Eastern Samar, at 61-anyos na babae sa Butuan City, Agusan del Norte. Ginamit umano ng mga suspek ang Facebook upang hikayatin ang mga biktima na mamuhunan sa isang pekeng cryptocurrency trading platform, na nangangakong magbibigay ng malaking kita sa loob ng ilang linggo.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamo ng isang biktimang kinilalang Milet, na naloko ng P4.4 milyon. Sinampahan ng kaso ang mga suspek ng swindling/estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, kasabay ng Cybercrime Prevention Act (RA 10175). Naglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court Branch 25 sa Tabuk City, Kalinga, na may piyansang P72,000 bawat isa.
Tiniyak ni PNP ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang na patuloy nilang ipatutupad ang batas laban sa mga cybercriminal at sisiguraduhing managot ang mga sangkot sa online scams. RNT