Home METRO 4 timbog sa pagnanakaw ng sasakyan sa Parañaque

4 timbog sa pagnanakaw ng sasakyan sa Parañaque

MANILA, Philippines – Nadakip sa ikinasang follow-up operation ng mga miyembro ng Parañaque City police ang apt na suspects na sangkot sa pagnanakaw ng isang kotse na ibinebenta sa Facebook Marketplace.

Sa report na isinumite ng Parañaque City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga inarestong suspects na sina alyas Michael, 34; alyas Julius, 49; alyas Jonathan, 36, na itinuturong mastermind; at ang driver na isang alyas Richard, 35.

Napag-alaman na nauna nang naireport ng biktima na nakilalang si alyas Kenny, 32, isang Malaysian national, ang pagkawala ng kanyang pag-aaring kulay itim na Toyota Alphard na ipinarada ng kanyang diver na si Alyas Richard sa harap ng isang convenience store sa Aseana Square, Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City nitong nakaraang Hunyo 29 dakong alas 10:46 ng gabi.

Ilang araw ang nakalipas ay nagulat na lamang ang biktima nang makita niya ang kanyang nawawalang sasakyan na nakapost sa FB Marketplace noong Hulyo 4 at ibinebenta sa halagang P2.8 million.

Sa pagkakataong iyon ay agad na ipinagbigay alam ni alyas Kenny sa pulisya ang pangyayari kung saan nagpanggap ito na interesadong bilhin ang sasakyan at nagkasundong makipagkita sa mga suspects sa isang mall sa Pasay.

Pagdating sa napagkasunduang lugar ay sinalubong na ang biktima nina alyas Michael at alyas Julius at nang magpositibo na kasabwat ang dalawa sa pagkawala ng kanyang sasakyan ay nagbigay na ng go signal ito sa mga pulis na nakapalibot na nagdulot ng pagkakadakip ng dalawang suspects.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa estasyon ng pulisya ay biglang umamin si alyas Richard sa imbestigador na sinadya niyang iniwan ang sasakyan sa lugar para makuha ng kanyang mga kasabwat na kinalaunan ay ipinost naman ng isang alyas Jun sa Facebook Marketplace para maibenta online.

Sa mga nakalap na impormasyon sa mga nadakip na suspects ay agad na nagkasa ng follow-up operation ang mga ito na nagresulta naman ng pagkakaaresto ng isa pang suspect na itinuturing na mastermind sa krimen na si alyas Jonathandakong alas 12:09 ng umaga nitong nakaraang Biyernes (Hulyo 5) sa Barangay Sto. Nino, Parañaque City.

Narekober sa posesyon ni alyas Richard ang isang .9mm pistola at dalawang magazine na parehong kargado ng tig-walong bala.

Patuloy ang pulisya sa pagsasagawa ng operasyon sa pagbawi ng ninakaw na sasakyan habang nakapiit naman sa custodial facility ng Parañaque City ang apat na inarestong suspects na nahaharap sa kasong carnapping at illegal possession of firearm. James I. Catapusan