Home METRO 40 bahay tinupok ng kandila

40 bahay tinupok ng kandila

CEBU CITY- Umabot sa 40 kabahayan ang naabo matapos sumiklab ang sunog dahil sa napabayaan nakasinding kandila, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 Wendell Villanueva, information officer ng Cebu City Fire Station, bandang alas-6:57 ng hapon nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Edwin Escandallo sa Sitio San Vicente Ferrer, Barangay Lahug, Cebu City.

Batay sa report ng Cebu City Fire Station, dakong alas-7:11 ng gabi ay umakyat sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyan itong naapula bandang alas-9:41 ng gabi.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog sa bahay ni Escandallo dahil sa nakasinding kandila na kanyang ginagamit sa ilaw dahil naputulan ito ng linya ng kuryente at pangalawang beses na umano ito nangyari.

Tinatayang aabot sa P1.2 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy na nasa 70 pamilya o 280 indibidwal ang nawalan ng tahanan na ngayon ay pansamantalang nakasilong sa barangay gym. Mary Anne Sapico