MANILA, Philippines- Mahigpit na pinaalalahanan ng pamunuan ng Office for Transportation Security (OTS) ang publiko partikular na ang mga manlalakbay na iwasang magdala ng mga bala bilang anting-anting sa mga paliparan ng bansa.
Inilabas ng OTS ang pahayag matapos na matagpuan ang isang “component of ammunition used as amulet” sa mga gamit ng isang pasaherong patungong Iloilo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 noong Pebrero 18.
Nabatid sa OTS na ang mga nasabing item ay nakita sa regular na x-ray screening ng bagahe ng pasahero.
Sinabi ng OTS na para maiwasan ang maling akala ng ilang pasahero na bullet planting o “laglag bala” ang ginagawa, ipinakita ng mga security personnel ang kanilang mga walang laman na kamay bago at pagkatapos ng manual baggage inspection.
“Paalala lang po ulit sa mga pasahero, ‘wag na po tayong mag dala ng mga ganitong bagay para iwas-abala sa pag biyahe,” ani OTS Undersecretary Crizaldo Nieves.
Pinaalalahanan ni Nieves ang mga air commuters na bisitahin ang website ng OTS at Facebook page upang suriin ang listahan ng mga ipinagbabawal na bagay sa mga paliparan at iba pang impormasyon sa paglalakbay. JR Reyes