Home METRO Kapitan, driver patay sa pananambang

Kapitan, driver patay sa pananambang

ABRA- Patay ang isang punong barangay at driver nito habang sugatan ang isa pa nilang kasama matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong suspek, sa bayan ng Pilar.

Kinilala ang mga nasawi na sina PB Froilan Bueno, ng Barangay Quillat, Langiden, Abra, at driver ng barangay na si Kevin Bueno habang sugatan naman ang kanilang kasama na si Sonny Bisares.

Batay sa report ng Pilar Municipal Police Station, bandang alas-4:40 ng hapon noong Huwebes nang maganap ang krimen sa Sitio Palicad, Barangay Poblacion, ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Kevin ang itim na Sports Utility Vehicle sakay sina Froilan at Bisares habang naka-convoy kay Langiden mayoral candidate Artemio “Billy” Donato Sigun patungong Villaviciosa at Pilar, Abra.

Subalit, pagdating sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng baril ng mga suspek saka mabilis na tumakas.

Agad na nasawi si Kevin dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo at agad namang isinugod sa ospital ang dalawa subalit idineklarang patay si Froilan sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nagpapagaling naman si Besares matapos nagtamo ng sugat sa hita.

Nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para agaran pagdakip. Mary Anne Sapico