Home METRO 400 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa QC

400 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa QC

MAYNILA, Philippines – Aabot sa 400 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos na tupukin ng sunog ang tinatayang higit 100 bahay na pawang gawa sa light materials sa Barangay Damayang Lagi sa Quezon City nitong Martes.

Sabi ni Jinky Salazar, tumatayong presidente ng Isla Noah Association o ang samahan ng mga apektadong residente, 144 bahay ang meron sa kanilang komunidad at sa bawat bahay hindi lang isang pamilya ang naninirahan.

Aminado naman ang mga nasunugan na hindi nila pag-aari ang lupaing kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Base sa mga residente na hindi ito ang unang beses na nagkasunog sa lugar, pero dagdag nila na ito na ang pinakamalaki.

Sa laki ng sunog, kinailangan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na itaas sa Task Force Alpha ang sunog kung saan nasa 24 na firetrucks ang kinailangang rumesponde.

Ayon kay FSSupt. Jerome Reano, Assistant Regional Director for Administration ng BFP-NCR, mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga nasunog na bahay.

Sabi ng BFP, tatlo ang bahagyang nasugatan sa kasagsagan ng sunog.

Pansamantalang nakikituloy ang mga nasunugan sa mga seminaryo malapit sa kanilang lugar. Santi Celario

Previous articleDrug den winasak ng PDEA; 4 durugista timbog
Next articleHoly Week traffic advisory inilabas ng Pasig City