Home NATIONWIDE 400K land titles mula sa DAR gimik lang sa mapanlinlang na reporma...

400K land titles mula sa DAR gimik lang sa mapanlinlang na reporma sa lupa – KMP

258
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang ipinagmamalaking target ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na mamahagi ng 400,000 land titles ngayong 2025 ay isa na namang palabas at boladas ng huwad na reporma sa lupa ng rehimeng Marcos Jr.

Ayon sa grupo ng mga magsasaka, matagal na umanong ginagamit ng gobyerno ang pangakong titulo sa lupa bilang pampalubag-loob sa mga magsasaka habang patuloy pagpapalala sa kawalan ng lupa at pagpapalayas sa mga magbubukid.

“Gaya ni Ferdie Sr at PD 27, ginagawang props (propaganda) ni Marcos Jr ang reporma sa lupa para pahupain ang galit ng magsasaka. Hindi mga seremonyal na pamimigay ng titulo ang kailangan ng mga magbubukid, kundi ang tunay na pagkilala sa karapatan nila sa lupa. Subalit ang totoo, ginagamit ang pamamahagi ng CLOA, E-Titles, at COCROM para gawing lehitimo ang kontrol ng malalaking maylupa sa lupaing dapat sana ay para sa mga magsasaka,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

SA press statement ng KMP, iginiit ng grupo na hindi dapat malinlang sa numero. Sa halos 195,000 Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) na ipinagmamalaki ng DAR mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2025, nasa 132,000 dito o 68% ay mula sa Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project.

Hindi ito mga bagong lupaing ipinamahagi kundi paghati-hati lang sa mga lumang kolektibong titulo.

Ginawang kasangkapan umano ng DAR ang SPLIT para ihiwalay, hati-hatiin, at tuluyang tanggalan ng kolektibong kontrol ang mga samahang magbubukid sa lupa na “iginawad” sa kanila ng gobyerno — tulad ng kaso ng mga lupain sa Negros, sa Lupang Araneta sa San Jose del Monte, Bulacan at marami pang ibang lugar.

“Sa ilalim ng SPLIT, mas pinapadali ang pagbebenta, pagpapaupa, at pagpapaalis sa magsasaka. Binibigyan ng gobyerno ng ‘malinis na titulo’ ang lupa para buksan ito sa pribadong merkado. Ang tunay na benepisyaryo ng programang ito ay hindi ang magsasaka, kundi ang mga panginoong maylupa, plantasyon, real estate developers, at dayuhang korporasyon,” ayon naman kay Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Samantala, sinabi pa ng KMP na ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA) naman ni Marcos Jr, na pinupuri rin ni Secretary Estrella, ay isa pang gimik at huwad na tagumpay.

Hindi aniya ito nagresulta ng libreng pamamahagi ng lupa, kundi “pagpapatawad” lamang sa piling bahagi ng lumang utang ng mga Agrarian Reform Beneficiaries.

Kaunti rin lamang umano ang nakinabang sa NAEA o katumbas ng 21% ng mga benepisyaryo ng CARP at 6% ng mga rehistradong magsasaka. Ang sa totoo lang, hindi garantiya ang COCROM, hindi ito garantiya ng karapatan sa lupa—nananatili ang CLOA sa ilalim ng mga banta ng eksempsyon, eksklusyon, at kombersyon.

Idinagdag pa ng grupo ng mga magsasaka na hindi rin binura ng NAEA ang mapanlinlang na “just compensation” na iginagawad sa mga panginoong maylupa.

Nitong taon lang, inatasan ng Court of Appeals ang gobyerno na bayaran ng P28 bilyon ang Hacienda Luisita Inc., isang malinaw na pagpapatunay na mas pabor ang estado sa interes ng mga asyendero kaysa magsasaka.

Samantala sinikap naman ng sumulat na makuha ang panig ng Department of Agrarian Reform (DAR) partikular ang ang Public Assistance and Media Relations Service (PAMRS) ng DAR subalit nabigo ang sumulat na makuha ang panig nito dahil hindi sumasagot ang opisyal nito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here