MANILA, Philippines – Iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD)-Davao region nitong Biyernes, Setyembre 20 na nasa 139 pamilya o 409 katao ang inilikas nila at naapektuhan ng matinding pagbaha sa Davao Region dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o “habagat.”
Ayon sa ahensya, lubog sa baha ang ilang lugar sa Barangay Astorga sa Santa Cruz, Davao del Sur at limang barangay sa Davao City.
Nangyari ang pagbaha 6:12 ng gabi sa Barangay Astorga at makalipas ang isang oras ay namonitor na rin ang pagbaha sa limang barangay sa Davao City, ang Bucana, Matina Crossing, Matina Aplaya, Talomo Proper, at Maa.
Idinagdag ng OCD-Davao na nagdala ng malalakas na hangin at malakas na alon sa dagat ang habagat sa ilang bahagi ng bansa, particular na sa Purok Kimsan, Ilangay sa Davao Oriental.
Nawalan naman ng suplay ng kuryente sa Jose Abad Santos town sa Davao Occidental province at munisipalidad ng Gov. Generoso at Lupon sa Davao Oriental.
Nasira ng habagat ang apat na tirahan sa Davao Occidental at anim na tirahan sa Davao Oriental. RNT/JGC