MANILA, Philippines – Patay si Melchor Gatmen, isang kandidato sa pagka-konsehal ng Pilar, Abra, matapos pagbabarilin noong hapon ng Marso 12 sa Barangay Dintan.
Ayon sa pulisya, pauwi na si Gatmen sakay ng kanyang motorsiklo bandang alas-5 ng hapon nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang gunman at binaril siya sa dibdib.
Nagtamo si Gatmen ng maraming tama ng bala at agad na binawian ng buhay. Tumakas ang suspek at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Mariing kinondena ng mga netizen at kaanak ng biktima ang pamamaslang na naganap dalawang linggo bago magsimula ang lokal na kampanya.
Itinuturing na election hotspot ang Pilar at ang kabisera ng probinsya, ang Bangued, na nasa “orange” category dahil sa seryosong banta ng karahasan.
Nauna nang nangyari ang isa pang pamamaril ilang linggo ang nakalipas kung saan isang barangay captain sa Abra ang napatay at dalawa sa kanyang mga kasamahan ang nasaktan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Santi Celario