MANILA, Philippines – Umabot sa 429 lugar sa apat na rehiyon ang binaha dahil sa mga pag-ulan dulot ng Habagat, ayon sa Office of the Civil Defense (OCD) nitong Linggo.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, National Capital Region (NCR), Central Luzon at Calabarzon.
“Ngayong araw po, as of this morning, 429 pa po ang flooded areas sa apat na regions: Region 1, NCR, Region 3, Calabarzon,” ayon kay OCD Deputy Administrator for Operation Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
Patuloy naman ang clearing operations sa mga apektadong kalsada. Umabot na rin sa 3,158 bahay ang napinsala, habang halos 100 road sections at 13 tulay ang hindi pa madaanan pagsapit ng Linggo ng umaga.
“So mayroon na tayong 3,158 damaged houses, at halos 100 road sections and 13 bridges na tuloy-tuloy na impassable hanggang kaninang umaga. Kini-clear natin ito. Ang problema talaga nating matindi ay ‘yung bridge sa Tarlac, kasi dalawa na ‘yung apektado dito, na talagang naputol at kailangan gumamit ng alternative routes,” dagdag pa niya.
Dalawang tulay na sa Tarlac ang tuluyang napinsala at naputol, kaya kinakailangan ng mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta.
Samantala, iniulat din ang mga landslide sa Zambales at sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
“Nu’ng medyo gumanda last week ng dalawang araw, nagki-clearing agad ‘yung DPWH at LGUs. Nu’ng nag-resurgence nitong monsoon, mayroon tayong bagong reports. Kahapon sa Subic, sa Zambales; even sa SCTEX, may landslide sa daan,” aniya.
Dalawang lalaki rin ang namatay at dalawa ang nasugatan matapos matabunan ng landslide sa Subic Bay Freeport Zone, Subic, Zambales, noong Sabado ng umaga.
Bagama’t humupa na ang baha sa ilang bahagi ng Metro Manila noong Linggo ng umaga, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang Habagat at pag-ulan sa Luzon. Inaasahan ang monsoon rains sa Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Benguet, Bataan, Zambales, Tarlac at Pampanga. RNT/MDS