PANGASINAN, Philippines – Isinailalim sa state of calamity ang Bayambang matapos umabot sa mahigit ₱31 milyon ang pinsala sa agrikultura dulot ng Tropical Storms “Luis” at “Maymay” at pinalakas na Habagat.
Batay sa Municipal Resolution No. 371, Series of 2026, 577 magsasaka ang naapektuhan, habang umabot sa 615.79 ektarya ng lupang agrikultural ang napinsala. Tinatayang nasa ₱31,280,958.81 ang kabuuang pagkalugi.
Pinakamalaki ang pinsala sa mga magsasaka ng palay. 550 rice farmers ang naapektuhan sa 586.53 ektarya ng palayan, na may tinatayang ₱17,849,243.81 na pinsala.
Samantala, 25 magsasaka na may 28.26 ektarya ng high-value crops ang nalugi ng tinatayang ₱13,362,995.
Nakapagtala rin ng pinsala sa mais, kung saan isang magsasaka ang nawalan ng pananim sa isang ektarya na nagkakahalaga ng ₱43,720. May isa ring magsasaka na nawalan ng tatlong kambing na nagkakahalaga ng ₱25,000.
Malaki ang nakasalalay sa agrikultura sa Bayambang, kung saan maraming residente ang umaasa sa pagsasaka ng palay, high-value crops at mais, pati sa pag-aalaga ng livestock.
Ayon sa Sangguniang Bayan, hindi lamang mga pananim ang naapektuhan. Nabulabog din ang kabuhayan ng mga magsasaka, kabilang ang kanilang kakayahang bumili ng farm inputs, maghanda ng mga bukirin at muling magtanim.
Sa ilalim ng state of calamity, maaaring palakasin ng lokal na pamahalaan ang relief, rehabilitation at livelihood assistance at gamitin ang mga available na resources para sa recovery.
Inatasan ang Municipal Agriculture Office na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture, Provincial Agriculture Office, Philippine Crop Insurance Corp. at iba pang ahensya upang humingi ng tulong para sa mga magsasaka, kabilang ang binhi, planting materials, fertilizer, livestock assistance at crop insurance.
Prayoridad ang pagsasaayos ng mga nasirang bukirin, pagpapalit ng nawalang farm inputs, pagtulong sa muling pagtatanim at pagbabalik ng produksyon ng mga magsasaka.
Mananatili ang state of calamity hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon at matukoy ng Sangguniang Bayan, batay sa updated damage assessment at rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, na maaari na itong alisin. RNT/MDS