Home METRO 437 huli sa Oplan Galugad ng QCPD

437 huli sa Oplan Galugad ng QCPD

115
0

QUEZON CITY, Philippines — Umabot sa 437 indibidwal ang nahuli sa ipinatupad na Integrated Anti-Criminality Plan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng Oplan Bulabog/Galugad at checkpoint operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Ayon sa QCPD, isinagawa ang operasyon bandang alas-10:00 ng gabi noong Abril 6 sa pangunguna ni PBGEN Randy Glenn Silvio, katuwang ang Quezon City Local Government Unit, Traffic and Transport Management Department (TTMD), Task Force Disiplina, at mga Barangay Tanod. Sa kabuuan, 741 tauhan ang ikinalat sa Quirino Highway at 15 iba pang estratehikong lokasyon sa Quezon City.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng Oplan Bulabog/Galugad sa Villareal St., Barangay Gulod, Novaliches, at sa 15 pang lugar sa loob ng lungsod upang paigtingin ang pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at maiwasan ang mga paglabag sa batas sa kalye.

Sa 437 nahuli, 213 ang naaktuhang naghuhubad sa mga pampublikong lugar, 131 ang mga menor de edad na lumabag sa curfew, 60 ang nahuling umiinom sa mga pampublikong lugar o kalye, at 33 ang nasita dahil sa pag-iingay sa videoke o karaoke.

Samantala, 398 indibidwal ang kinasuhan sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang 197 traffic violations at 201 paglabag sa city ordinances.

Tinatayang aabot sa P473,000 ang sisingilin mula sa mga inisyung citation ticket. Bukod dito, 39 na menor de edad ang irerekomenda sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) para sa counseling bago ibalik sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga. Lahat ng mga lumabag ay inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts (OVR) on-site.

Ayon kay PBGEN Silvio, bahagi ang mga operasyong ito ng mas pinaigting na kampanya para sa seguridad sa lungsod, kasunod ng pahayag ni DILG Secretary Juanito Victor Remulla hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng batas at mga ordinansa.

“Binibigyang-diin ng mga operasyong ito ang pangako ng QCPD na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng patuloy, intelligence-driven, at community-oriented na mga estratehiya sa pagpupulis, alinsunod sa nakatutok na adyenda ng Chief, PNP, sa Enhanced Monitoring Police Operations at ‘Active’ program ng Regional Director, NCRPO. Nanatili kaming nakatuon sa pagbibigay-kapangyarihan sa aming mga tauhan at pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa mga stakeholder upang matiyak ang isang mas ligtas na Lungsod Quezon,” sabi ni PBGEN Silvio. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here