MANILA, Philippines – Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Martes sa lahat ng diyosesis at arkidiyosesis sa bansa na mag-organisa ng prayer vigil para sa pandaigdigang kapayapaan sa Abril 11, bilang tugon sa panawagan ni Pope Leo XIV.
Hinimok din ni CBCP president Archbishop Gilbert Garcera, sa Circular No. 26-04, na isama ang mga parokya at iba pang relihiyosong institusyon sa inisyatibong ito.
Ayon sa arsobispo, maaaring isagawa ang prayer vigil sa pamamagitan ng Eucharistic adoration, pagdarasal ng Santo Rosaryo, pagdiriwang ng Banal na Misa para sa kapayapaan, o iba pang angkop na liturhikal o debosyonal na pagtitipon.
Sinabi ng obispo na ang ganitong kolektibong panalangin ay hindi lamang magpapahayag ng ating pakikiisa sa Santo Papa, kundi magbibigay din ng patotoo sa ating sama-samang pag-asa na ang tunay na kapayapaan, na nagmumula kay Kristo, ay maghari sa ating puso at sa mundo.
Noong Linggo ng Pagkabuhay, sinabi ng Santo Papa na pangungunahan niya ang isang prayer vigil para sa pandaigdigang kapayapaan sa Sabado sa Saint Peter’s Basilica sa Vatican City. Jocelyn Tabangcura-Domenden