Home NATIONWIDE 45-46°C heat index nagbabadya ngayong weekend

45-46°C heat index nagbabadya ngayong weekend

MANILA, Philippines- Inaasahang papalo ang heat index ngayong weekend sa 45 hanggang 46 degrees Celsius (°C), partikular sa Dagupan City, Pangasinan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes.

Ngayong Sabado, sinabi ng PAGASA na maaaring makaranas ang Dagupan City ng heat index na 45°C, na susundan ng Aparri, Cagayan, sa 44°C.

Samantala, inaasahan sa Laoag City, Ilocos Norte; Tuguegarao City, Cagayan; Puerto Princesa City, Palawan; Aborlan, Palawan; Masbate City, Masbate; Pili, Camarines Sur; and Catarman, Northern Samar, ang heat index na 42°C.

Sa Linggo naman, April 14, sinabi ng PAGASA na maaaring pumalo ang heat index sa Dagupan City sa 46°C, habang maaari itong umabot sa 44°C sa Aparri, Cagayan.

Samantala, nakaambang makapagtala ng 43°C heat index sa Tuguegarao City at Catarman, Northern Samar.

Mas marami pang lugar ang inaasahang makapagtatala ng heat index na 42°C sa Linggo.

Kabilang dito ang Bacnotan, La Union; Echague, Isabela; Puerto Princesa City; Aborlan, Palawan; Masbate City; Pili, Camarines Sur; Roxas City; Iloilo City; Cotabato City, Maguindanao; at Butuan City, Agusan del Norte.

Naitala nito sa bansa ang pinakamataas sa heat index ngayong taon na 48°C sa Roxas City, Capiz, noong March 27. RNT/SA