Home OPINION KANYA-KANYANG DISKARTE SA WPS

KANYA-KANYANG DISKARTE SA WPS

NAGSALITA na si ex-President Digong Duterte ukol sa umano’y “gentleman’s agreement” sa China ukol sa problema sa West Philippine Sea na tila hindi nakapa nang husto ng kasalukuyang pamahalaan.

May ilang napakahalagang punto na binitiwan ni Duterte.

Una, mariin nitong sinabi na wala siyang isinusuko sa China nang nakaupo pa siya bilang Pangulo.

Ikalawa, nilayon nitong magkaroon ng status quo, walang galawan gaya ng armadong pagpapatrulya sa  karagatang malapit sa Pinas.

Ikatlo, hindi kasali sa usapan ang pag-repair o pagpapaganda sa BRP Sierra Madre dahil status quo ang kalagayan at “as is where is” ang pinatupad.

Ikaapat, nakatuon ang status quo sa pagpapanatili ng kapayapaan at para hindi magkagulo sa karagatan.

Ikalima, lumalabas na diskarte noon ng pamahalaang Duterte ang pagkakaroon ng status quo sa relasyong Pilipinas at China, partikular sa West Philippine Sea.

Ikaanim, naririyan ang kasalukuyan at mariing  hamon ni Duterte sa pamahalaan ni Pang. Bongbong Marcos na gumawa ng sarili nitong diskarte at huwag magreklamo nang magreklamo ukol sa kanyang diskarte noon.

Diretsahang sinasabi ni Duterte na kung gagawa si Marcos ng bahay-bahay sa Ayungin Shoal, sariling diskarte ito ng huli.

Kung isasabak din ni Marcos ang panggiyera na Philippine Navy sa pagpapatrulya, diskarte pa rin ni Marcos ito.

At makikita umano kung ano ang mangyayari.

Malinaw naman ang magkaibang dalawang kalagayan noong panahon ni Duterte at ngayong panahon ni Marcos.

Noong administrasyong Duterte, ayaw ng gobyerno natin na makisawsaw ang Amerika sa problema ng China at Pilipinas sa karagatan.

Ninais nitong solusyunan ang mga problema pangunahin sa pagitan ng dalawang bansa lamang.

Ngayon namang administrasyon ni Marcos, naririyan ang Amerika na itinuturing na pakner sa giyera ng Pilipinas at ibinabalandra ang Mutual Defense Treaty of 1951 at Enhance Defense Cooperation Agreement na gamit sa giyera.

Naririyan din ang panay-panay na military exercise ng Amerika at Pinas.

Talagang tingnan natin kung ano ang mangyayari.