Home OPINION BAGONG ANTI-CRIMINALITY TACTICS NG VALENZUELA POLICE

BAGONG ANTI-CRIMINALITY TACTICS NG VALENZUELA POLICE

MAY bagong anti-criminality strategy ang Valenzuela City Police Station na tiyak na magbibigay ng sakit ng ulo sa mga halang ang kaluluwa na ayaw lumubay sa kanilang masamang gawain.

Inilunsad  ilang araw pa lang ang nakararaan,  ang  SUMVAC  V-CAMP (Summer Vacation Valenzuela Anti-Motorcycle Riding Criminal Patrol) Night Patrol,  ay inaasahang  susupil sa mga kriminal sa lungsod.

Target ng anti-criminality tactics na ito ng VCPS ang riding-in-tandem offenders na hindi lingid  sa kaalaman ng awtoridad ay paboritong estilo ng mga kriminal sa pangsasalaula ay pagbabalewala sa  batas.

Sa unang araw ng inplementasyon nito noong Abril 8 na isinagawa sa Barangays Mapulang Lupa at Bagbaguin, ang puwersa ng VCPS  ay sinamahan ng mahigit kumulang 50 volunteer  force multiplier na city riders.

Sa programang ito, ang mga headquarter staff officer at section chief ay magsisilbing supervisors ng night duty officers sa gabi-gabing pagsasagawa ng SUMVAC V-CAMP night patrols.

Ang karamihang insidente ng komisyon ng krimen ay nangyayari sa gabi kaya sa mga oras na ito pinapagana ang nasabing night patrol anti-criminality campaign ng VCPS.

Nabatid na sa paraang ito, nakatitiyak ang mamamayan sa kanilang kaligtasan laban sa motorcycle riding criminals at sa tulong ng force multipliers nakasisigurong mahuhuli kaagad ang mga kriminal at maging ang mga lumalabag sa batas trapiko.

Samantala, sinimulan na ng liderato ni Northern Police District director P/BGen Rizalito Gapas ang pagpapalakas ng cybercrime program na pangunahing proyekto nig bagong talagang Philippine National Police chief P/Gen Rommel Francisco Marbil.

Kamakailan lang ay pinangunahan ng butihing opisyal ng NPD ang one day cybercrime awareness seminar na dinaluhan ng riders association, force multipliers at representatives ng Brgy Longos, Malabon.

Ngayon pa lang ay nagpapakita na ang VCPS at NPD ng kahandaan sa direktiba at programa ni Marbil  na pagpapalakas sa paglaban sa cyber crimes.

Ang aksyon naman ni Marbil ay bilang pagtugon sa mithiin ni Pangulong Bongbong Marcos na maitayo ang metatag at maunlad na Bagong Pilipinas.