Home OPINION IBANG ‘STYLE’ NG PAKIKIPAGLABAN

IBANG ‘STYLE’ NG PAKIKIPAGLABAN

IPINIHIT na ng pamahalaan ang  estilo nito sa pakikipaglaban sa insureksiyon o pagrerebelde ng iba’t ibang uri ng grupo.

Sabi nga ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., dinidiinan nila ngayon ang panawagan sa mga nalalabi pang miyembro ng New People’s Army  halimbawa, na makiisa na lamang sa pamahalaan at iwanan na ang kanilang armadong pakikipaglaban, tungo sa tunay na kapayapaan at bigyan daan ang kaunlaran.

Ang mga kaguluhan, aniya, ay kayang resolbahin ng mapayapa. At ang pangako nga ng pamahalaan ay maipakitang mas epektibo ang dayalogo kaysa sa pakikipagbarilan.

Sabi pa ni Galvez, ang kanilang inisiyatibang makipagdayalogo sa mga grupong naniniwala sa armadong pakikipaglaban ay umaani na ng suporta sa iba’t ibang sektor gaya ng ‘religious communities’ at ‘international allies’.

Dahil nakikita na raw ng karamihan, na lipas na ang armadong pakikibaka, wala itong magandang patutunguhan, kaysa sa dayalogo o pakikipag-usap na maipaparating pa ang mga kagustuhang mangyari ng bawat panig.

Sa dayalogo, tumatahimik ang lahat at nagbibigay ito ng kapayapaan sa mga lugar na dati’y magugulo, may mga patayan o bakbakan kung saan nadaramay ang mga sibilyang walang ibang hangarin kundi ang mamuhay nang matiwasay.

Syempre nga naman, ang mga komunidad na nakaranas ng kaguluhan ay walang ibang nanaisin kundi ang mag-usap ang dalawang panig na nag-babanggaan sa kanilang lugar, upang umiral naman ang kapayapaan.

Pangungunahan ng mga lider sa lugar na ito ang panghihikayat sa bawat panig na daanin sa mabutihang usapan ang kanilang pagtatalo upang ‘di na dumanak pa ang dugo.

Nakikini-kinita ko sa pagpihit na ito ng pamahalaan sa pakikipagsabayan sa mga rebelde gamit ang dayalogo, ‘di malayong magsisuko na ang mga rebelde kasama ang kanilang armas at ang mga nagnanais na patuloy na humiwalay sa lipunan ay magiging bandido na lang.

Lahat naman talaga ay nadaraan sa mabuting usapan.