Home OPINION FILING OF INCOME TAX RETURN HANGGANG APRIL 15, 2024

FILING OF INCOME TAX RETURN HANGGANG APRIL 15, 2024

Kaugnay sa income tax filing ngayong buwan ng Abril, ang tema ng tax campaign para sa taong 2024 ay “Sa Tamang Buwis, Pag-asenso’y Mabilis”.

Mapalad ang inyong Agarang Serbisyo Lady na nabigyan ng pagkakataon na maka­panayam si Regional Director ng BIR Region 6, Manila Renato Molina. Ayon kay RD Molina,

“Mayroon na lamang hanggang April 15, 2024 ang mga taxpayer para magsumite ng kanilang ITR o income tax return para sa mga kinita at naging transaksyon noong taong 2023. Huwag na nating hintayin pa ang deadline, mag-file na ng mas maaga”.

Target ng DOF o Department of Finance na ngayon ay pinangungunahan ni Secretary Ralph Recto na makakolekta ng Php4.3 trillion kung saan Php3.05 trillion ay magmumula sa koleksyon ng BIR.

Noong taong 2023 ay nakakolekta ang BIR ng Php2.53 trillion, mas mababa sa target nitong Php2.64 trillion, pero paliwanag ng BIR sanhi ito ng pagbabago sa iskedyul ng pagbabayad ng value-added tax na mula monthly ay naging quarterly na kung kaya hindi nakolekta ang isang quarter ng VAT.

Ipinapaalam ng BIR o Bureau of Internal Revenue na nahigitan nito ang target collection para sa mga buwan ng Enero at Pebrero ngayong 2024.

Nakakolekta ng halagang Php446.423 billion sa dalawang unang buwan ng 2024 na mas malaki ng Php87.335 billion o 24.32% sa kaparehas na panahon noong 2023. Target ng BIR na makakolekta ng Php445.535 billion.

Sa kabuuan ng taong 2024, target ng BIR na makakolekta ng Php3.055 trillion o mas mataas ng 21.38% mula sa Php 2.5 trillion na koleksyon ng 2023.

Kumpiyansa si Commissioner Romeo Lumagui, Jr., na kakayanin ng BIR ang target collection nito dahil sa mas pinalakas na kampanya nito kontra mga kompanya at sindikato na nagbebenta ng pekeng resibo, digitalization program, ISO certification ng frontline processes, at voluntary compliance ng maraming negosyo at mga indibidwal.