CEBU CITY- Basag ang bungo ng isang lalaking pasyente na nakatakdang operahan sa kanyang karamdaman matapos tumalon sa bintana mula sa ikatlong palapag ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Godofredo Purisima Trocio, 55-anyos, at taga-Sitio Kalubihan, Barangay Luray 2, Toledo City.
Batay sa report ng Abellana Police Station, bandang alas-10 ng umaga noong Huwebes (Abril 11, 2024) naganap ang insidente sa nabanggit na ospital na matatagpuan sa B. Rodriguez St., Abellana ng naturang lungsod.
Kwento ng misis ng biktima na si Laila AƱasco Trocio, 50, na-admit sa VSMMC ang kanyang mister noong Abril 8, at nakatakda itong operahan sa pancreatic mass.
Aniya, iniwang nakahiga ang biktima at tumalikod ito saglit para pumunta sa palikuran subalit pagbalik niya ay wala na ito dahilan para hanapin niya ito at pagsilip sa ilalim ng bintana ay nakita na lamang niya ang mister na duguan at nakabulagta.
Isinugod naman sa emergency room ang biktima subalit makalipas ang ilang minuto ay nalagutan rin ito ng hininga.
Dagdag pa ni Laila, dumaranas ng depresyon ang kanyang mister at nagtangka na rin itong magpakamatay ilang taon na ang nakakalipas.
Sa pag-imbestiga ng pulisya, wala silang nakikitang palatandaan na may naganap na foul play sa naturang insidente. Mary Anne Sapico