Home METRO Binatang dayo natagpuang patay sa loob ng inn

Binatang dayo natagpuang patay sa loob ng inn

ILOCOS SUR- Isa nang malamig na bangkay ang 24-anyos na binata nang madiskubre sa loob ng kwarto nito sa isang inn sa Brgy. Bayubay Sur, San Vicente ng lalawigang ito kahapon, Abril 11.

Kinilala ng San Vicente Municipal Police Station ang biktima na si Joshua Dialogo y Pascual, residente ng B7L20 Ana Maria Heights, Caloocan City, National Capital Region.

Nabatid na nag-check in sa Westcourt Inn ang biktima bandang alas-2:26 ng madaling araw nitong Huwebes.

Pagpasok ng biktima sa inupahag nitong kwarto ay hindi na ito lumabas.

Ayon kay Mary Ann Barcellano y Ladines, receptionist ng inn, bandang alas-12 ng tanghali ay kinatok niya ang pintuan ng kwarto ng biktima para paalalahanan ito tungkol sa check-out time nito pero hindi ito sumasagot.

Makalipas ang ilang minutong paghihintay, humingi ng tulong sa barangay tanod si Barcellano at binuksan nila ang pintuan ng kwarto ng biktima.

Matapos mabuksan ay nakita nila ang biktimang nakahiga sa kanyang kama na hindi na humihinga.

Ang biktima ay idineklara ni Dr. Amado A. Viesta, Jr., municipal health officer ng RHU-San Vicente na dead on the spot dahil sa Antihistamine Overdose.

Sa loob ng kwarto ng biktima ay nakita ang mga sumusunod: siyam na piraso ng P1,000; anim na piraso ng P100; isang piraso ng P50; isang piraso ng P20; BDO ATM card; BPI ATM card; GO TYME card; police clearance ID; android phone; isang backpack na may lamang mga damit; isang hindi pa nabubuksan na red horse; isang red Marlboro; isang lighter; at isang bote ng Antihistamine (Diphenhydramine HCI). Rolando S. Gamoso