Home OPINION KAMPANYA KONTRA DROGA NG NCRPO MATAGUMPAY SA PAMUMUNO NI GEN NARTATEZ

KAMPANYA KONTRA DROGA NG NCRPO MATAGUMPAY SA PAMUMUNO NI GEN NARTATEZ

MAGANDA ang resulta ng mga operasyon ng mga pulis na nakatalaga sa iba’t ibang anti-drug units sa Metro Manila simula nang maupo bilang regional director ng National Capital Region Police Office itong si P/MGen Jose Melencio Nartatez Jr.

Marami ang nagtatanong kung paanong nasabing matagumpay gayung wala namang engkwentrong nagaganap at hindi anila nababawasan ang mga salot na nagpapakalat ng droga sapagkat walang nagbubuwis ng buhay at walang dugong dumaranak sa mga isinasagawang operasyon kontra droga.

Ang sagot dito ng disiplinadong opisyal ng NCRPO ay simple pero rock. Simple dahil ani Nartatez, hindi kailangang may dumanak na dugo o magbuwis ng buhay sa mga operasyon sa droga sapagkat ang panuntunan ng kasalukuyang administrasyon ay hindi pumatay subalit hulihin ang mga ito ng buhay at isailalim sa rehabilitasyon.

Ano ba ang ibig sabihin ng rehabilitasyon? Ibig sabihin nito ay sumailalim sa gamutan kung saan pagkatapos nito ay tuturuan sila upang isaayos ang kanilang sarili patungo sa pagbabago.

Kaya nga sabi ni Tateng, tawag kay Nartatez ng mga kaibigan at kakilala, inaaresto ang mga drug suspects, pushers at users, upang pagbayaran ng mga ito ang kanilang pagkakasala sa loob ng piitan kung saan ay tuturuan din sila ng mga paraan upang magbago nang sa gayon sa paglabas nila sa kulungan ay magbagong buhay na sila.

At para maging matagumpay ang operasyong isinasagawa ng kanyang mga tauhan kontra droga, maraming pagsasanay ang pinagdaraanan ng mga pulis nang sa gayon ay handa sila sa pagsalang sa presentasyon ng mga kasong hawak nila.

Sa madaling salita, ang mga pulis ay hindi lang basta isinasadlak sa mga operasyon subalit armado ang mga ito ng mga kaalamang kanilang natutunan sa training nab kanilang kinuha bago maitalaga sa unit na kanilang kinabibilangan.

Mas marami ang kumuha ng training sa investigation sapagkat ito, ayon sa butihin heneral, ay siyang buhay ng mga kasong inihaharap sa prosekusyon bago sa korte.

Mas mabibigyang buhay ang kaso lalo na kapag kontra droga kapag sapat ang ebidensiyang ihaharap sa piskalya upang hindi ito mauwi sa wala o referred for further investigation o mas malala kung dismissed.

Dahil sa mga ibinigay na armas kaalaman ni Nartatez sa kanyang mga tauhan, mas marami ngayon ang mga kasong umaakyat sa korte at dinidinig dahil nga sa maayos na presentasyon.

Isa pang dahilan kung bakit matagumpay ang operasyon kontra droga ng NCRPO ay dahil sa hindi maramot sa pagkilala ng husay, galing at sipag ng mga pulis itong si Tateng. Tuwing Lunes sa Monday Flag Raising sa camp Bagong Diwa, sa Bicutan, Taguig city, iginagawad ang iba’t ibang pagkilala sa mga pulis na nakatalaga hindi lang sa NCRPO headquarters subalit maging sa iba’t ibang distritong nasasakupan nito na gumawa ng kabutihan at siyempre may accomplishment sa nakalipas na linggo.

Hindi man salapi ang naibibigay na katumbas ng sipag at husay ng mga operatiba at imbestigador, subalit hindi matatawaran ang pagkilalang tinatanggap ng mga pulis dahil pwedeng pwede nilang ipagyabang sa pamamagitan nang pagdisplay sa kanilang opisina o bahay na hindi katulad ng salapi na madaling gastusin.

Siyempre, ikinararangal naman ni Nartatez ang kanyang mga tauhan na sumusunod sa kanyang mga panuntunan kaya naman mahalaga rin sa heneral na “ama ng mga pulis sa Metro Manila” ang kapakanan at moralidad ng mga ito na kabilang sa kanyang 7 point agenda.

Noon, sabi ng mga pulis na masungit si Nartatez dahil nga sa pagiging disciplinarian nito na dahilan sa pagkakasibak ng mga malatuba at tamad na pulis. Pero ngayon, saludo ang matitino at nagtratrabahong pulis sa pamumuno ng hepe ng NCRPO dahil batid nila na para sa kanilang kapakanan ang ginagawa nito.