Home OPINION NGAYON LANG NANGYARI ITO!

NGAYON LANG NANGYARI ITO!

MAALAALA pa ba ninyo ang mga katagang ito?

‘Yun bang === NGAYON LANG NANGYARI ITO!

Sa nakaraang mga bagyo at pagbaha, naririnig ang mga ito mula sa matatanda.

Narinig ito nang maganap ang bagyo at super-bahang Ondoy sa Metro Manila na nanalasa rin sa mga lalawigan ng Rizal at Bulacan noong Setyembre 2019 at ikinamatay ng 665 katao at ikinasira ng mahigit P60 bilyong ari-arian.

Libo-libong bahay at gusali ang lumubog at nakatatakot isiping nalimas ang laman ng mga ito at tinangay ng baha.

Sumunod dito ang super-bagyo at bahang Ulysses sa Cagayan Valley noong November 11-12, 2020.

May 102 patay at 10 missing mula sa libo-libong lumubog na bahay sa Cagayan River at mga sanga nito.

May P60 bilyong palay ang nasira, bukod pa ang P700 milyong high value crops at P585M isda at pangisdaan.

SA BRAZIL DIN

“Ngayon lang nangyari ito!” sabi ng mga matatandang Brazilian sa malawakang baha na kanilang binubuo sa kasalukuyan.

Ito rin ang sinasabi ng mga taga-Rio Grande del Sul, Brazil na hanggang ngayo’y binabaha dahil sa siyam-siyam na ulan makaraan silang salakayin ng isang malakas na bagyo nitong nakaraang linggo.

May 95 nang patay at 130 missing mula sa 1.4 milyong residente.

Lumubog at nasira ang libo-libong bahay at wala ngayong mauuwian ang nasa 155,000 tao.

Nasa 80 porsyento naman ng 1.4 milyong tao ang walang mainom na tubig at libo-libo ang walang nakain sa loob ng tatlong araw at mahigit pa.

Ngayong humupa-hupa na ang baha, kahit papaano, may mga water tanker nang namimigay ng tubig mula sa mga hindi binahang lugar, kasama na ang mga suplay ng pagkain at gamot.

‘Yung iba na nagsisibalikan sa kanilang mga tahanan, anak ng tokwa, natagpuan nilang sumalakay pala ang mga magnanakaw makaraan silang magbakwit.

Hinihiling naman ng mga awtoridad sa mga may bangka na ipahiram ang mga ito sa nasa 15,000 sundalo at pulis na tumutulong sa mga biktima.

MASAMANG PANAHON

Kahapon, sinabi ng PAGASA na may mga kumpol ng ulap sa Dagat Pasipiko at posibleng maging masamang panahon ito.

Maaari kayang mabuong bagyo ito at maging isa sa dalawang bagyong darating sa Pinas sa buwang ito?

Sana naman hindi.

Kung sakali mang maging bagyo, wala tayong magagawa kundi ipagdasal na hindi maging super bagyo at magdala ng super ulan at baha.

Gayunman, sakaling magkaroon ng mababalasik na mga bagyo at ulan na matutulad noon sa Ondoy at Ulysses, dapat tayong maghanda nang todo.

At ang paghahanda ay hindi lang sa bahagi ng pamahalaan kundi sa ating mga mamamayan din.

Maging gabay natin ang mga karanasan ng mga na-Ondoy at na-Ulysses at nagaganap din ngayon sa bansang Brazil.