Home NATIONWIDE ‘Overkill’ deployment ng Tsina vs PH civilian mission sa WPS kinondena

‘Overkill’ deployment ng Tsina vs PH civilian mission sa WPS kinondena

MANILA, Philippines- Inilarawan ng Philippine Coast Guard (PCG) na “overkill” ang deployment ng China ng ilang China Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia vessels sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) sa panahon ng civilian mission na “Atin Ito.”

Nasa 10 CCG vessels, 10 Chines maritime militia ships at isang People’s Liberation Army (PLA) vessel ang namataan sa bisinidad ng Panatag Shoal ng mga awtoridad ng Pilipinas sa kanilang maritime domain awareness flight, sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea.

Ayon kay Tarriela, ito ang pinakamalaking bilang na naobserbahan ng PCG simula ng kanilang pagbabantay sa Panatag Shoal na binanggit na ito ay isang civilian mission lamang na ikinababahala ng China.

“Most likely it was an overkill on the part of the Chinese Coast guard to deploy such large number of China Coast Guard because they themselves believe in their own lies…this is the highest so far in Bajo de Masinloc – 10 China Coast Guard vessels,” anang opisyal.

Sinabi rin ni Tarriela na maging ang deployment ng Chinese ships na lumampas sa 50 nautical miles mula sa Scarborough Shoal ay “hindi normal.”

Sa pagitan ng Miyerkules ng gabi at Huwebes, hindi bababa sa dalawang barko ng Chinese Coast Guard na may bow number na 4108 at 4203 ang umaligid sa BRP Bagacay, na naghayag ng  radio challenges. Ang barko ng PCG ay nag-escort sa “ Atin ‘to!” mission.

Ang CCG vessels ay nagpatrolya 50 nautical miles mula sa Scarborough Shoal. Ani Tarriela, hindi ito nangangahulugan na lumawak ang kanilang saklaw. Jocelyn Tabangcura-Domenden