MANILA, Philippines- Inalis na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang 45 araw na benefit limit sa paglalayong tanggalin ang hadlang sa serbisyo ng state health insurer.
Sinabi ng presidente at CEO ng PhilHealth na si Edwin Mercado na ang 45-araw na limitasyon sa benepisyo ay “isang lumang diskarte sa pagpigil sa gastos,” na binibigyang-diin ang pangangailangang masaklaw ng higit sa 45 araw para sa ilang mga kondisyon.
“Naiintindihan natin kung bakit ito inilagay noon, ngunit, sa pagbabago ng ating payment mechanism, napapanahon na rin talagang repormahin ito,” sabi ni Mercado.
“We cannot always predict or schedule our medical needs. Marami ring mga serbisyo ang kinakailangan ng higit sa 45 days na coverage. Kaya naman nagpapasalamat tayo sa PhilHealth Board for approving this policy update,” dagdag ng opisyal.
Una nang pinalawig ng PhilHealth ang bilang ng mga sesyon na sakop ng hemodialysis packages nito mula 90 sa 156 session.
Upang matiyak ang responsable at mabisang pagpapatupad ng bagong patakaran, sinabi ng PhilHealth na mahigpit nitong susubaybayan ang mga pasyente na admission, readmissions, at paggamit ng benepisyo na higit sa 45 araw.
Ang pagsunod sa pasilidad ng kalusugan sa mga klinikal na pamantayan at mga tuntunin sa pagbabayad ay tatasahin din sa pamamagitan ng Health Care Providers Performance Assessment System (HCPPAS). Jocelyn Tabangcura-Domenden