Home NATIONWIDE 45% ng mga botante tutol sa impeachment ni VP Sara – Pulse...

45% ng mga botante tutol sa impeachment ni VP Sara – Pulse Asia

MANILA, Philippines – Napag-alaman sa survey ng Pulse Asia na 45% ng rehistradong botante sa Pilipinas ang tumututol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang non-commissioned poll, na isinagawa mula Pebrero 20 hanggang 26, napag-alaman na 26% lamang ng mga respondents ang sumusuporta sa impeachment, at 23% ang undecided.

Pitong porsyento ang nagsabing wala silang opinyon dahil sa kakulangan ng kaalaman sa isyu.

Sinabi ni Pulse Asia Research Director Ana Tabunda na kabilang sa survey ang 2,400 registered voters na pinili sa pamamagitan ng random sampling at isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews.

May margin of error itong ±2.

Tinanong ang mga respondent ng, “Do you agree or disagree with the filing of the impeachment case against Vice President Sara Duterte by the House of Representatives in the Senate?”

Sa Visayas, naitala na 46% ang tutol sa impeachment at 26% ang suportado ito, habang sa Mindanao ay mas mataas ang tutol sa 88% at 4% lamang ang pabor.

Naitala naman sa Metro Manila ang pinakamalaking bahagdan ng mga sumusuporta sa impeachment ni Duterte sa 45% at 33% naman ang tutol.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon, 34% ang sumusuporta sa impeachment at 24% ang tutol dito.

Samantala, ang mas marami ang tutol sa impeachment ni Duterte mula sa Class E ng lipunan sa 56%, sinundan ng Class ABC sa 48% at Class D sa 43%.

Karamihan sa mga na-survey ay naniniwalang dapat maging patas ang Senado. RNT/JGC