Home NATIONWIDE Malakanyang umarkila ng eroplano para ibyahe si FPRRD sa The Hague

Malakanyang umarkila ng eroplano para ibyahe si FPRRD sa The Hague

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na umarkila ito ng eroplano para mai-byahe si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte papuntang The Hague sa The Netherlands para harapin ang ‘crimes against humanity’ na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court.

Inamin ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang gobyerno ang nagbayad ng eroplanong sinakyan ni Duterte papuntang The Hague.

“Ang gobyerno po. Ito po ay may kaugnayan sa assistance po na ibinigay natin sa Interpol,” ang sinabi ni Castro.

Matatandaang, ilang oras matapos siyang arestuhin sa bisa ng arrest warrant, lumipad na mula sa Villamor Air Base sa Pasay City ang eroplano na pinagsakyan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para dalhin sa The Hague, at paharapin sa International Criminal Court (ICC).

Sakay si Duterte ng eroplanong RP-C5219, na umalis ng Villamor Air Base dakong 11:03 p.m, araw ng Martes.

Ayon kay Atty. Martin Delgra, sumakay si Duterte sa eroplano ng 9 p.m. nitong Martes. Kasama niya si dating Executive Secretary Salvador Medialdea, isang nurse, at isang personal assistant.

Sinabi rin ni Delgra, abogado ng dating pangulo, hindi sila pinayagan na makapalit sa eroplano. Kris Jose