Home NATIONWIDE ‘Para akong nawalan ng tatay’ – Bong Go

‘Para akong nawalan ng tatay’ – Bong Go

MANILA, Philippines – Umakyat sa tuktok ng pinakabagong survey ng Pulse Asia si Senator Christopher “Bong” Go matapos makakuha ng 58.1% suporta mula sa mga respondent noong February 20-26 poll.

Ito ay nagmarka ng makabuluhang pag-akyat ni Go mula sa survey noong Enero 18-25, kung saan nasa ika-2 hanggang ika-3 siya sa naitalang 50.4%.

Ngunit sa kabila ng tumataas niyang numero, nagpahayag ng matinding kalungkutan si Sen. Go sa kasalukuyang sitwasyon ng pulitika sa bansa, partikular sa pagkakakulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ramdam ni Go ang emosyon at pampulitikang bigat ng sitwasyon ni Duterte dahil sa matagal na nilang relasyon, samahan at iisang adbokasiya para sa mga reporma sa governance.

“Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta at tiwala sa akin. Pero sobrang malungkot ako ngayon dahil sa mga nangyayari sa ating bansa. Para akong nawalan ng isang tatay,” ang emosyonal na sabi ni Go.

Gayunpaman, tiniyak ni Go sa publiko na ang kanyang pangako sa paglilingkod sa bayan ay nananatiling matatag, sa pamamagitan ng patuloy na pagsusulong ng mga patakarang magpapaangat sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.

“Sa kabila nito, patuloy ang aking trabaho at pagbibigay ng serbisyong tunay na may malasakit. Kaya inuuna ko ang pagsusulong sa mga batas at programang makatutulong sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga mahihirap at walang-wala sa buhay,” anang senador.

Nangunguna si Go sa iba’t ibang hakbang na naglalayong pahusayin ang pangangalaga sa kalusugan at serbisyong panlipunan na ang direktang makikinabang ay mga ordinaryong Pilipino.

Ipinagtatanggol ni Go ang mga serbisyong medikal para sa mga mahihirap na pasyente at tinitiyak na ang tulong ng gobyerno ay makararating sa mga nangangailangan.

“Patuloy nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao. Kasama na dito ang mga serbisyo at programang medikal para sa mga mahihirap na pasyente at pangkalusugan para sa ating mga mamamayan,” ani Go.

Nagpapasalamat sa tiwala at kumpiyansa na ipinakita ng publiko, nangako si Go na manatiling tapat sa kanyang mga prinsipyo at magtataguyod para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

“Lagi kong tinatandaan ang sinabi sa akin ni Tatay Digong: ‘Just do what is right. Unahin ang interes ng bayan, unahin ang kapwa Pilipino, at hinding-hindi ka magkakamali dyan.'”

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers sa buong bansa.

Pinagsama-sama sa one-stop shop na ito ang mga kinauukulang ahensya upang pabilisin ang access sa mga programang tulong-medikal, lalo sa mga mahihirap na pasyente.

Sa kasalukuyan, 167 Malasakit Centers na ang operational sa buong bansa at nasa mahigit 17 milyong Pilipino na ang natutulungan nito. RNT