COTABATO CITY- May kabuuang 46 kaso ng monkeypox (mpox) ang naitala ng Ministry of Health (MOH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang Hunyo 8, 2025.
Sa pahayag ng MOH nitong Martes, sa nasabing bilang ay walong kaso ang kumpirmado, 31 ang pinaghihinalaan, at pito ang itinuturing na probable.
Walo sa mga pasyente ang nakarekober na, habang ang iba ay patuloy pang ginagamot. Wala namang naitalang nasawi.
Hinimok ng MOH ang publiko na huwag mag-panic at tiniyak na katuwang nila ang mga lokal na pamahalaan at health agencies upang makontrol ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng mas pinatibay na surveillance at maayos na pangangalaga sa mga apektadong pasyente.
Nagbigay rin ang MOH ng mga paalalang pangkalusugan:
Iwasan ang malapit na pakikisalamuha sa mga indibidwal na may sintomas ng trangkaso;
Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng personal na kalinisan;
Huwag manghiram ng mga personal na gamit gaya ng damit at tuwalya;
Magpakonsulta agad kung nakakaranas ng lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, pantal o sugat sa balat; at
Mag-isolate agad at ipagbigay-alam sa lokal na health authorities kung may sintomas ng mpox.






