MANILA, Philippines- Nanawagan si Cardinal Pablo Virgilio David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa Senado na panindigan ang responsibilidad nito sa pagtugon sa mga impeachmnt complaints sa inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ng kardinal na hindi siya nagsasalita sa pangalan ng anumang pangkat o interes sa politika ngunit mula sa pananaw ng panlipunang turo ng Simbahan na nananawagan para sa moral responsibility, accountability at ang primacy ng kabutihan ng lahat ng pampublikong buhay.
Inilarawan ni David ang papel ng Senado sa impeachment proceedings bilang isang “solemn mandate” na nagsasabing hindi ito usapin ng kaginhawaan sa politika ngunit isang mahalagang tungkulin na nakaugat sa katotohanan at katarungan.
Apela pa ni Cardinal David sa lahat ng senador lalo na sa mga nasa liderato na payagan ang constitutional process na magpatuloy nang walang hadlang.
Giit ni David, kung walang itinatago ay walang dapat ikatakot.
Kinikilala ng pinuno ng CBCP na bagama’t ang impeachment ay likas na pampulitika at quasi-judicial process, hindi ito exempted sa moral na mga kahilingan ng katotohanan, katarungan, at pananagutan. Jocelyn Tabangcura-Domenden