MANILA, Philippines- Nahaharap sa mga kasong material misrepresentation sa Commission on Elections (Comelec) ang nasa 48 dating kandidato sa halalan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng poll body na inilabas nitong Biyernes, dalawang barangay at 46 na kandidato ng Sangguniang Kabataan (SK) ang nahaharap sa mga kasong election offense dahil sa umano’y misrepresentation sa kanilang certificates of candidacy (COCs).
Mula sa mga kandidato ng SK na nahaharap sa kaso, 41 ang tumakbo para sa pagiging miyembro ng konseho habang lima ang tumakbo sa chair position.
Hinangad ng dalawang kandidato sa barangay na maging miyembro ng Sangguniang Barangay.
Ang mga nahaharap sa material misrepresentation ay mula sa Abra, Albay, Antique, Bulacan, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao City, Laguna at Leyte provinces.
Ang iba pang kandidato na nahaharap din sa mga katulad na kaso ay mula sa Maguindanao, Metro Manila, Misamis Occidental, Mountain Province, Negros Occidental, Negros Oriental, Quezon, Samar, Sorsogon at Zamboanga del Norte provinces.
Ang material misrepresentation ay nangyayari kapag ang isang kandidato ay nagsisinungaling tungkol sa edad, paninirahan, pagpaparehistro ng botante o pagkamamamayan.
Ito ay isang criminal offense sa ilalim ng Seksyon 261 ng Omnibus Election Code.
Nauna nang nagsampa ng material misrepresentation case ang law department ng Comelec laban sa sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo dahil sa umano’y maling pag-claim sa kanyang COC noong 2022 polls. Jocelyn Tabangcura-Domenden