Home NATIONWIDE 4K benepisyaryo sa Zambo Peninsula bibigyan ng lupain, kagamitan

4K benepisyaryo sa Zambo Peninsula bibigyan ng lupain, kagamitan

MANILA, Philippines- Mahigit 4,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Zamboanga Peninsula ang makatatanggap ng agricultural lands at farm equipment mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa turnover rites sa Biyernes na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ng DAR nitong Huwebes na kabuuang 7,214 ektarya ng agricultural land ang ibibigay sa 4,456 ARBs. Saklaw ang mga nasabing lupain ng mga lalawigan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, at Zamboanga del Sur.

May kabuuang 4,956 certificates of land ownership awards (CLOAs), base sa DAR, ang ipamamahagi sa event sa Biyernes. Sa bilang na ito 3,950 titulo ang manggagaling sa Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project ng DAR.

Samantala, ang natitirang 1,006 ay mga regular na titulong inisyu sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Bukod sa pamamahagi ng titulo ng lupa, pangununahan din ni Marcos ang turn over ng farm machinery at equipment na nagkakahalaga ng P15.7 milyon sa 30 agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs).

Kabilang sa mga makinarya at kagamitang ibibigay ang farm tractors, rice threshers, mud boats, rice mills, floating tillers, pump irrigation systems, corn shellers, water tanks, egg-laying machines, motorcycles, rice harvesters, backpack sprayers, at shredder machines. RNT/SA