Home NATIONWIDE 4PH projects sa Metro Manila pinapaspasan ng DHSUD

4PH projects sa Metro Manila pinapaspasan ng DHSUD

MANILA, Philippines- Minamadali ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga proyekto sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng flagship Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na maliban sa nagpapatuloy na 4PH projects sa Metro Manila, mas marami pa ang nasa advanced stages ng ‘construction at development’ sa ibang rehiyon.

Sinasabing nagsimula na ang turnover ng actual housing units sa ilalim ng 4PH at nagpapatuloy sa mga lungsod ng Palayan at Bacolod.

Samantala, ang 4H projects sa San Mateo, Rizal, City of San Fernando sa Pampanga, Davao City, at Tagoloan sa Misamis Oriental ay naghahanda na ngayon para sa turnover sa mga benepisaryo.

“Habang nagte-turnover na tayo sa mga natatapos na 4PH buildings, tuluy-tuloy naman po ang construction ng iba pang projects. Kaya, masasabi natin na buo na po ang formula. May malinaw na tayo na proofs of concept ng 4PH — iyang mga natatapos at nate-turn over na housing units,” ang sinabi ni Acuzar.

“Dito sa NCR, may mga nasimulan na rin tayo na mga 4PH projects. Tututukan po natin ‘yan upang mapabilis dahil dito may pinakamaraming informal settler families [ISFs]. Sila po ang priority natin dito,” aniya pa rin.

Ani Acuzar, natukoy ng DHSUD ang mga pangunahing ‘blighted areas’ sa NCR na pinag-iisipang i-transform sa isang napapanatiling township developments.

Ang nagpapatuloy na 4PH projects sa Metro Manila ay sa Caloocan City, Manila, Quezon City at San Juan City.

Sa Pasay City, nakapagtatag ang DHSUD ng staging area na pansamantalang shelter ng ISFs na sa huli ay makikinabang sa 4PH project.

Ang iba pang NCR local government units na lumagda sa memoranda of understanding kasama ang DHSUD na makasama sa 4PH ay ang Pasig, Muntinlupa, Mandaluyong, Marikina, Navotas, Parañaque, Valenzuela at Malabon.

Samantala, bago ang Holy Week break, nagsagawa ng inspeksyon si Acuzar sa Port Town Housing Project sa Parola, Tondo, Manila. Kasama ni Acuzar sina Pag-IBIG Fund chief Marilene Acosta at Social Housing Finance Corporation president Federico Laxa.

Matapos ito ay nagpunta naman si Acuzar sa 4H project site sa Quezon City, bago pa atasan ang mga ‘in charge’ na mapabilis ang kontruksyon nang hindi mako-kompromiso ang kalidad at pamantayan. Kris Jose