Home METRO 5-anyos sinikmuraan saka ginahasa ng kapitbahay

5-anyos sinikmuraan saka ginahasa ng kapitbahay

Bulacan – Arestado ang 22 anyos na lalaking nanggahasa sa isang limang taong gulang na babaeng kapitbahay sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek sa alyas Jeremie habang ang biktima ay itago sa pangalang Jas kapwa residente ng Towerville, Brgy. Sto Cristo.

Sa report kay Bulacan police director PCOL. Rely Arnedo ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 9:30 ng gabi nitong Abril 22 sa naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon, inuto ng suspek ang biktima para pumunta sa kanyang bahay at nang makapasok ay sinuntok ito sa sikmura hanggang sa tuluyang gahasain.

Nang makauwi ang kalunos-lunos na biktima ay agad isinalaysay sa kanyang ina ang masamang nangyari sa kanya.

Dali-daling humingi ng saklolo ang ina sa kanilang barangay na rumesponde sa lugar subalit nakatakas at nagtago ang suspek.

Nabatid na boluntaryong isinama ng mga kaanak ang nagtagong suspek sa kanilang barangay at kalaunay isinuko naman sa pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kasong statutory rape habang nakakulong sa istasyon ng pulisya.(Dick Mirasol III)