MANILA, Philippines- Nabali ang kanang binti at nasugatan pa ang ulo ng isang pulis-Maynila nang banggain umano ng tumatakas na karerista na sangkot sa illegal drag racing sa Roxas Boulevard, Martes ng madaling araw.
Limang indibidwal naman ang naaresto.
Sa CCTV footage na nakuha ng Ermita Police Station, may mga sasakyan pang dumaraan sa lugar na tila normal lang ang sitwasyon.
Subalit, ang ilang mga motorsiklo ay mabibilis ang takbo na ayon sa sumbong ng ilang concerned citizens sa pulisya ay drag racing ito.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, mabilis na tumakas ang mga kalahok at mga nanonood sa karera.
Sinubukan naman silang pigilan ng isang pulis ng Manila Police District (MPD) pero binangga siya ng isa sa mga tumatakas.
Ayon kay PLt. Carl Lloyd Mupas, OIC ng Remedios PCP, nang mangyari ang insidente ay marami pang mga tao na naglalakad.
Sa imbestigasyon, nagsisilbing race track ng mga karerista ang bahagi ng Roxas Blvd., Pedro Gil hangang sa Remedios St.
Sinabi ni Mupas na base sa pahayag ng suspek, umaabot sa P50,000 hanggang P100,000 ang tayaan ng mga karerista.
Isinasagawa umano ang illegal drag race sa kahabaan ng Roxas Blvd., tuwing Biyernes, Sabado, Linggo at Lunes.
Paalala ng pulisya, lubhang delikado ang pagsasagawa ng ano mang aktibidad sa Roxas Blvd. dahil iba’t ibang sasakyan ang dumadaraan dito kabilang na ang mga malalaking truck. Jocelyn Tabangcura-Domenden