QUEZON- HIGIT sa P2.1 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa limang nadakip na suspek sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigang ito, nitong noong Lunes, Hulyo 22.
Ayon kay Col. Romulo Albacea, hepe ng Quezon police, naaresto ng mga operatiba mula sa Police Drug Enforcement Unit ng bayan ng Mauban sina “Rico,” 50 anyos, at “Yeyey,” 47 anyos, matapos nilang bentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P500 ang isang undercover na pulis sa Barangay San Lorenzo bandang 1:20 ng madaling araw ng Lunes.
Nasamsam sa kanila ang dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 68.1 gramo.
Ayon sa Dangerous Drugs Board (DDB), may standard price itong P6,800 kada gramo na katumbas ng P463,080. Subalit sa kasalukuyang presyong P20,400 kada gramo sa kalye, tinatayang umaabot sa P1,389,240 ang halaga ng mga nasamsam na droga.
Kinabukasan ng Martes, sa lungsod ng Lucena, iniulat ni Lt. Col. Dennis de Guzman, hepe ng Lucena City Police, na naaresto ng lokal na drug enforcement unit na pinamumunuan ni Capt. Benito Nevera si “Enzo,” 19 anyos, sa Barangay Gulang-Gulang bandang 2:31 a.m.
Nakumpiska mula kay Enzo ang pitong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 30 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng P612,000 batay sa street value.
Nauna nang naaresto ng parehong team sina “Nikon,” 35, at “Mac,” 35, sa isang operasyon laban sa ilegal na droga sa Barangay Ilayang Iyam, bandang 6:30 p.m. ng Lunes. Nakumpiska sa kanila ang shabu na may halagang P112,000 batay sa halaga sa merkado.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng Quezon-PNP ang mga suspe na pawang mga nasa drug watch list ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico