MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang naka-blacklist na Chinese national sa Zamboanga International Airport noong Marso 22.
Nabatid sa BI na ang nasabing operasyon, na magkatuwang na isinagawa ng BI Intelligence Division at ng Fugitive Search Unit, ay humantong sa pagkakaaresto kay Ying Guanzhen, 31; Yang Jinlong, 29; Liu Xin, 28; Shen Kan, 36; at Luo Honglin, 27.
Ibinunyag ng BI na dalawa sa mga naarestong indibidwal ay mga wanted na pugante sa China, kung saan lahat ng mga ito ay dating iniugnay sa Lucky South 99, isang kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid dahil sa umano’y ilegal na aktibidad.
Sinabi ng BI na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa government intelligence sources na ang grupo ay napigilan sa kanilang pagtatangka na tumakas sa bansa sa pamamagitan ng backdoor exit route mula Tawi-Tawi hanggang Sabah, Malaysia, gamit ang isang ‘transporter’ para makaiwas sa mga awtoridad.
Ang ‘transporter’, ayon sa mga lokal, ay isang indibidwal na nagpapadali sa ilegal na paglalakbay ng mga tao mula sa Pilipinas patungo sa mga karatig-bansa.
Gayunman, napigilan ng mga awtoridad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang pagtakas nang magkaaberya ang kanilang bangka malapit sa Languyan Island, Tawi-Tawi.
Sa ginawang beripikasyon, kinumpirma ng mga opisyal ng BI na lahat ng limang indibidwal ay naka-blacklist at lumabag sa mga tuntunin at kondisyon ng kanilang pananatili.
Kasunod ng kumpirmasyon na ito, pinahintulutan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang kanilang agarang pag-aresto.
Isinagawa ang pag-aresto pagdating nila sa Zamboanga City mula sa Tawi-Tawi, na sinamahan ng mga pulis. Ipinaalam sa kanila ang kanilang mga paglabag sa imigrasyon at kalaunan ay itinurn-over sa Philippine National Police (PNP) para sa pag-iingat, habang nakabinbin ang paunang imbestigasyon ng BI Legal Division.
Nagpasalamat si Viado sa mga ahensya ng gobyerno sa kanilang mahigpit na koordinasyon, na humantong sa matagumpay na operasyon.
Ang mga naarestong indibidwal ay mananatili sa kustodiya ng mga awtoridad habang sinisimulan ang mga paglilitis sa kanilang deportasyon. JR Reyes