MANILA, Philippines- Tinukoy ng mga awtoridad ang limang dayuhan at tatlong Pilipino bilang persons of interest (POIs) sa pagdukot at pagpaslang sa dalawang Chinese business executives na natagpuan ang mga bangkay sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na nagmula ang impormasyon sa kaso nina Kefu Xia at Jimmy Jing Sun, isang Chinese-American national, mula kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr.
“Ang development siguro na sinasabi ng ating SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Atty. Benhur Abalos ay yung identification itong mga POIs at may mga pangalan na rin tayo at maganda yung tinatakbo. Sabi ko nga one information shared to us ng AKG (Anti-Kidnapping Group) ay inaayos lang nila yung ibang mga dokumento at naka-prepare na isampa itong kaso na ito,” pahayag ni Fajardo.
Sa kasalukuyan, sinabi niyang walang POIs ang nasa ilalim ng police custody.
“Again, the AKG requested not to divulge too much details. The families and the (Chinese) Embassy have also requested a discreet investigation as much as possible,” ani Fajardo.
“It was not here where the victims’ business dealings or transactions originated because accordingly, they were just invited here for some business ventures. They met other people in another country. It’s not only Philippine law enforcers who are investigating this case,” patuloy ng opisyal.
Batay sa insiyal na imbestigasyon, napag-alamang dumating ang dalawang dayuhan sa bansa noong Hunyo 20 upang makipagkita sa ibang Chinese nationals para sa isang business venture. Subalit, sinundo ang mga biktima ng hindi natukoy na grupo pagdating nila.
Ayon kay Fajardo, na-contact pa ng mga biktima ang kanilang mga pamilya sa parehong araw nanawala sila.
Noong Hunyo 21, hiningan ang asawa ng isa sa mga biktima ng ransom na 5 million yuan. Matapos ang negosasyon, ibinaba ang halaga sa 3 million yuan at ipinadala ng pamilya ng biktima sa kidnappers.
Pagsapit ng Hunyo 23, iniulat ito ng abogado ng isa sa mga biktima sa Chinese authorities, na nagpaalam sa PNP.
Kinabukasan, natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa tabi ng isang bangin sa Sitio Rawis, Barangay Patitinan, Sagñay, Camarines Sur. RNT/SA