Bulacan – Arestado ang limang indibiduwal matapos umanong mahulihan ng iligal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito nitong Hunyo 16.
Sa report kay PCOL. Franklin Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan police, isinagawa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng San Miguel at Pandi police station kaya naaresto ang limang hindi napangalanang mga suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang nasa 2.5 gramo na hinihinalang shabu na may halagang P17,000 kasama ang marked money.
Huli rin ng mga parak sina alyas Lui, Lio at Edil ng Brgy. Gaya-Gaya, San Jose Del Monte matapos ireklamo ng pananakit, panunutok ng baril, pagdampot at pagkulong sa dalawang security guard na naka-duty sa isang farm sa Brgy. Kaypian bandang 10:00 ng umaga.
Nakumpiska sa kanila ang IWI Jericho 941 PL 9mm na baril, magazin na kargado ng 14 bala, long M4 rifle replica, cal. 45 pistol replica kapwa airsoft gun.
Samantala, timbog din ng mga awtoridad ang umanoy selosong si alyas Ron, 33, online seller ng Brgy. Panginay, Balagtas matapos ireklamo ng kanyang kinakasama sa pananakit at panunutok ng baril dakong 4:00 ng hapon sa nasabing lugar
Nang rumesponde ang mga pulis sa lugar ay naaresto ang suspek at nasamsam ang caliber .38 na kargado ng apat na bala at isang basyo nito.
Sinasabing ang mga naarestong indibiduwal na nahaharap sa magkakaibang kaso ay kasalukuyang nakapiit sa istasyong humuli sa kanila. Dick Mirasol III