Home METRO 5 flood control structure sa Zambales nawasa; ilang lugar binaha

5 flood control structure sa Zambales nawasa; ilang lugar binaha

1
0

ZAMBALES — Limang flood control structure sa Zambales ang napaulat na nasira kasunod ng mga nagdaang bagyo at malalakas na pag-ulan dulot ng habagat, na nag-ambag sa pagbaha sa ilang komunidad sa lalawigan.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang sa mga napinsala ang San Juan Dike sa Botolan, Tanguay Slope Protection sa Cabangan at Sto. Tomas River Slope Protection sa San Narciso. May mga pinsala rin na iniulat sa San Marcelino at San Felipe.

Dahil sa pinsala sa mga istruktura at patuloy na pagtaas ng tubig sa mga ilog at daluyan, napilitang lumikas sa mas ligtas na lugar ang ilang residente.

Hinihintay pa ng PDRRMO ang opisyal na assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matukoy ang halaga at lawak ng pinsala sa mga flood control structure.

Sa San Marcelino, naapektuhan din ng baha ang mga pasilidad at kagamitan ng Sta. Fe National High School. Isang tulay na ginagamit ng mga estudyante patungo sa paaralan ang tinangay din umano ng malakas na agos.

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang mga flood-prone area sa Zambales habang nakararanas ang lalawigan ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat. Naglabas din nitong Agosto ang Zambales PDRRMO ng heavy rainfall warnings dahil sa panganib ng pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here