MANILA, Philipines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga paliparan ang limang dayuhang kinabibilangan ng apat na Amerikano at isang Briton na pinagbawalan na pumasok sa bansa dahil sa pagiging sex offenders ng mga ito.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na apat sa mga pedophile ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang isa ay naharang sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) at pinabalik agad sa bansa na pinanggalingan.
Inihayag ni Tansingco na ang mga pasahero ay pawang registered sex offenders (RSO) dahil mayroon silang mga record ng conviction para sa sex offenses sa kanilang sariling bayan.
“They were already included in our blacklist, thus they are perpetually barred from entering the Philippines,” ayon sa BI chief. “They were denied entry as their presence here could pose a serious risk to our women and children,” dagdag pa ng opisyal.
Muling iginiit ni Tansingco na ang Philippine immigration act ay ang pagpapatapon sa mga dayuhan na nahatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude, at idinagdag na inilunsad nila ang kanilang Project #Shieldkids Campaign upang agresibong hanapin, arestuhin, at i-deport ang mga dayuhang sex offenders na maaaring nasa bansa.
Sa rekord ng BI, naharang noong Mayo 21 sa NAIA Terminal 1 si Alexander Balay, 33, na dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula Tokyo. Siya ay nahatulan ng possession and intent to distribute child pornography ng isang korte sa Alabama.
Kinabukasan, ang 54-anyos na si Vincent John Cherer, isang British national, ay pinaalis agad sa NAIA terminal 1 matapos dumating sa pamamagitan ng Air China flight mula Chengdu, China. Dati siyang hinatulan ng child sexual abuse sa United Kingdom.
Noong Mayo 27, ang American Wallance na si Lynn Wendel, 71, ay hinarang din sa parehong terminal, kung saan siya dumating sa pamamagitan ng Korean Air flight mula Incheon. Siya ay hinatulan ng sexual assault ng isang korte sa Arizona. Maliban dito, hinatulan din siya ng homicide at burglary.
Hindi rin pinapasok ang Amerikanong si Kevin Edwin Daughtrey, 49, na pinaalis din sa MCIA noong Mayo 27 matapos itong dumating sakay ng Eva Air flight mula Taipei. Siya ay hinatulan ng korte sa Florida ng sexual offense laban sa isang menor-de-edad.
Noong Mayo 28 din, naharang din sa NAIA 1 terminal ang Amerikanong si Billy Ray Robertson Jr. Siya ay hinatulan ng korte sa Nevada noong 1989 dahil sa sekswal na pananakit sa isang 12-taong-gulang na batang babae.
Lahat ng limang dayuhan ay kasama sa blacklist ng BI at hindi na muling makapapasok sa bansa. JAY Reyes