BATANGAS, Philippines – Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang umanong nagtangkang magnakaw mula sa isang roll-on/roll-off (RORO) vessel na naka-angkla sa karagatan ng Bauan, Batangas noong Sabado ng gabi, Enero 3.
Ayon sa PCG, naganap ang insidente bandang alas-10 ng gabi habang nagsasagawa ng seaborne patrol ang kanilang mga tauhan matapos makatanggap ng tip tungkol sa posibleng pagnanakaw na kinasasangkutan ng M/V Super Shuttle RORO 9.
Sa paunang imbestigasyon, isang motorbanca ang na-intercept habang tinatangkang sumampa sa RORO.
Isang suspek ang naaresto sa bangka kung saan nakumpiska ang mga kable na ginamit umano upang makasampa sa barko.
Dagdag ni PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, matapos makasampa sa barko ay saka pa lamang umano magnanakaw ang mga suspek.
“They could be stealing anything that they can get and whatever is profitable,” aniya.
Ang RORO ay may kargang mga container, subalit hindi pa tukoy ng PCG ang laman ng mga ito.
Pinaghinalaan din ng awtoridad na may iba pang kasabwat na nasa loob na ng barko kaya nagpadala ng karagdagang maritime law enforcement teams upang magsagawa ng perimeter patrol.
Matapos ang masusing paghahalughog sa barko, apat pang suspek ang naaresto.
Lahat ng limang suspek, na hindi pa pinangalanan, ay dinala sa Coast Guard Sub-Station sa Bauan para sa dokumentasyon at medical check-up.
Sinabi ng PCG na naghahanda na sila ng mga kasong isasampa laban sa mga suspek noong Linggo, Enero 4. RNT/MND