MANILA, Philippines – Namataan si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na kasama ang dalawang kapwa mambabatas noong Linggo, sa gitna ng patuloy niyang pagbubunyag kaugnay ng umano’y mga insertion sa pambansang badyet.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando ang larawan kasama sina Leviste at Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Pinasalamatan ni San Fernando si Leviste sa panlilibre at sinabi niyang posible pa ring magkaroon ng masayang usapan kahit magkakaiba ang pananaw.
“Pwede naman palang maging masaya ang kwentuhan kahit iba-iba kayo ng pananaw. Iba talaga kapag may mga mayayamang kaibigan. Salamat sa libre, Leandro!” ayon sa kanyang post.
Kasama rin sa larawan si Barzaga, na kilala rin bilang “congressmeow,” na kasalukuyang nagsisilbi ng 60-araw na suspensiyon na walang sahod matapos pagtibayin ng Kamara noong Disyembre 1 ang rekomendasyon ng Ethics Committee laban sa kanya dahil sa “disorderly behavior” at “conduct unbecoming of a member of the House.”
Nauna nang sinabi ni Leviste na siya ay “fan” ni Barzaga at iginiit ang kahalagahan ng malayang pananalita sa Kamara.
Sina Leviste, San Fernando, at Barzaga ay pawang mga baguhang mambabatas.
Sa hiwalay na Facebook post, kinumpirma ni Leviste na binigyan na niya sina San Fernando at Barzaga ng kani-kanilang kopya ng mga dokumentong tinukoy niya bilang “flood control project insertions,” na may kaugnayan sa mga alegadong insertion sa national budget. RNT/MND