MANILA, Philippines – Naghain si Senator Erwin Tulfo ng panukalang batas na naglalayong ibaba ang Value-Added Tax (VAT) mula 12% tungo sa 10% upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng inflation sa mga Pilipino.
Ayon kay Tulfo, mahalagang ibaba ang VAT upang agad mapataas ang kakayahang bumili ng mga pamilya at mapasigla ang konsumo, na inaasahang makatutulong din sa paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
“We are among the countries with highest VAT in Southeast Asia, and this has been a heavy burden to low- and middle-income households because a significant portion of their income goes toward taxes instead of essential needs,” ani Tulfo kaugnay ng Senate Bill No. 1552.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas at Indonesia ang may pinakamataas na VAT sa Southeast Asia na 12%, habang ang Cambodia, Vietnam at Laos ay may 10%.
Mas mababa naman ang buwis sa Singapore, Thailand at Myanmar, habang 2.5% lamang ang sales tax sa Timor-Leste.
Dagdag pa ni Tulfo, ang panukala ay hindi lamang magpapagaan sa gastusin ng mga karaniwang Pilipino kundi gagawing mas kompetitibo ang bansa sa rehiyon.
May probisyon din ang SB No. 1552 na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo, sa rekomendasyon ng Kalihim ng Pananalapi, na ibalik pansamantala ang VAT sa 12% kung lalampas sa target ang national deficit, ayon sa pagtataya ng Development Budget Coordination Committee.
Nauna nang iminungkahi ni Tulfo ang isang isang-buwang tax holiday bilang agarang tulong sa publiko.
“Reducing the VAT does not just benefit specific sectors; it covers everyone—regardless of income bracket. Filipinos deserve better, so we should give them more,” ani ng senador. RNT/MND